TEENHOOD SPOT from 702 DZAS
A letter from a mother to her teenage daughter.
Dear Michelle,
Inalis na namin kahapon ang mga alaala ng iyong kamusmusan.. Ngayon magtretrese anyos ka na kaya inilagay na namin sa bodega ang mga laruan mo gaya ng iyong gusto. Pwede mo ng baguhin, ayusin at pagandahin ang kwarto mo sang-ayon sa iyong gusto. Hindi na kami magugulat ng daddy mo dahil pangatlo ka na sa inalagaan at pinalaki namin. Ang bilis ng takbo ng panahon, parang kailan lang takot ka pa sa dilim. Parang kailan lang, naglalaro pa tayo ng taguan…hindi pa man nakapagtatago, nanghuhuli ka na.
Ngayon nga, teenager ka na, ang gusto mo palaging bago sa paningin at panlasa. Ibig sabihin habang nagmamature ka, unti-unti mong makikita kung gaano kaliit ang alam namin ng daddy mo sa mga hilig ng mga gaya mong kabataan ngayon…ano ang in at hindi. Darating ang panahon na hindi mo na ma-eenjoy ang mga bagay na inaakala naming makabubuti para sa iyo. Nandoong ma-eembarrass ka sa mga friends mo dahil sa amin. Hindi ka papayagan pero ang sasabihin mo ang KJ naman namin at bukod tanging ikaw lang ang hindi makakasama sa lakad ng barkada. Tuloy maiisip mo na unfair kami at ang higpit-higpit pa. Pero okay lang maisip mo ‘yon kaysa naman mapahamak ka. Minsan naman mapipilitan kaming pumayag dahil ang hirap mong pigilan. Kung alam mo lang sa pagtalikod mo, walang tigil na pag-aalala na ang aming nadarama. Tuloy naiisip ko, ano na lang ang mangyayari sa mga teenagers kung walang pakialam ang kanilang mga magulang. Naniniwala ako na ang buhay ay isang regalo ng Panginoon…dapat ingatan at alagaan. Tungkulin ng bawat magulang na pangalagaan at ingatan ang regalo nilang tinanggap sa Panginoong Diyos. Walang iba kundi ang buhay ng kanilang mga anak.
Michelle, hindi ko kayang hawakan ang buhay mo at ang iyong mundo para dalhin ito kung saan namin gusto. Sarili mong byahe ang buhay mo at ikaw ang s’yang driver nito. Kaming mga magulang mo ay gabay lamang na kasama mo para sabihin kung alin ang mas mainam na daan. Dahil ikaw ang may hawak ng manibela, nasa iyong palad kung alin ang pipiliin mo na kailangan mo ring panindigan at tayuan.
Anak, ang pagiging teenager ay isang paghakbang para isakatuparan ang iyong mga minimikhi. May mga pagarap na naghihintay para isakatuparan, mga bagong mukha na makikita’t makikilala. At dapat kang tumayo sa sarili mong paa. Tandaan mo lang…hindi pang-isang araw lamang ang lahat para matupad kung pipilitin mo itong maganap. Naalala ko tuloy parang kailan lang, kapag gusto mong kunin ang aking atensyon ngunit naramdaman mong hindi buo ang aking pagtugon, lalapit ka’t maglalambing. Sa gayo’y buong puso at buong pansing kitang naririnig.
Hindi mo alam ang ibinahagi mo sa amin ng daddy mo. Puno ka lagi ng pangarap, laging may pag-asang natatanaw. Anak, salamat sa lahat ng ‘yan. Nawa ay palagi mong masumpungan ang buhay na iyong hinahanap.
Love,
Nanay
No comments:
Post a Comment